Inihayag ni Heart Evangelista na hindi siya naniniwala noon na magkakabati pa sila ng kaniyang mga magulang dahil sa pagtutol ng mga ito kay Senador Chiz Escudero. Pero si Chiz, naniniwalang magiging maayos din ang lahat.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, tinanong ni Tito Boy sina Heart at Chiz kung ano ang kanilang mga natutunan sa pagtutol noon ng mga magulang ni Heart sa senador.

Si Senator Chiz, sinabing nauunawaan niyang mas masakit para kay Heart ang pinagdaanan nito, ngunit naniniwala siyang maaayos ito.

“I knew from the beginning that it would be alright. It was just a matter of time,” saad ni Chiz.

“I believed in that, I was confident in that,” dagdag ng senador.

Si Heart naman, diretsahang inaming hindi siya na naniniwala rito noong una.

“Hindi ako naniniwala,” sabi ni Heart. “Siya (Chiz), napakanormal ng buhay niya, ‘yung family setup… I feel like we have more of a complicated setup.”

“So sa lahat ng pinagdaanan ko then with them, it was about my lovelife, it would always be complicated,” pagpapatuloy ni Heart.

"So for me, parang hindi ko rin iniisip na magiging maayos. I just knew at the time, there’s a point in your life na kailangan mong piliin ang sarili mo and what makes you happy, because you’re the one who’s gonna live your life,” sabi pa niya.

Gayunman, naninindigan siya sa pagmamahal niya kay Chiz.

“So I really didn’t think that it would be okay, but I knew I chose the right person for me. And that eventually, our love story will tell them otherwise,” ani Heart.

Tinanong ni Tito Boy kung bakit “alam” ni Chiz na magkakaayos din sina Heart at ang mga magulang nito.

“Siguro dahil mas matanda ako. Mas marami na akong nakita, nakilala. At siguro kasabay na rin at dala ng pananampalataya at paniniwala na wala ka namang ginagawang mali o masama, sa dulo ‘yun pa rin ang makikita nila,” saad ni Senator Chiz.

Bukod dito, nauunawaan din ni Senator Chiz ang pinanggagalingan ng mga magulang ng kaniyang asawa.

“Yes. Overly protective and loving parents,” sabi niya.

Si Heart naman, nauunawaan din ang pinanggagalingan ng kaniyang mga magulang, ngunit pinili niya muna ang sarili.

 “I understood, but naisip ko noong time na ‘yun, it was my turn. I’ve given up a lot of people in my life in the past for their happiness. It was my time to be happy,” sabi ni Heart.

Matatandaang nagkaroon ng hidwaan noon sa pagitan ni Chiz at mga magulang ni Heart.

Hindi nakadalo ang mga magulang ni Heart sa kaniyang kasal noong 2015. Pero sa renewal of vows nila nitong nakaraang buwan, dumalo na ang ina ni Heart pero wala ulit ang kaniyang ama na nagpapagaling nang panahong iyon. -- FRJ, GMA Integrated News