Ikinuwento ni Paolo ng Ben&Ben na iniyakan niya ang anunsyo ng kakambal na si Miguel na ikakasal na ito.
Ibinahagi ito ni Paolo sa guesting nila sa “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Miyerkoles, nang matanong tungkol sa kasal ni Miguel.
“Nag-iyakan kami. Pero noong una passive-agressive pa ako, sabi ko ‘di OK lang, OK lang,'” sabi ni Paolo.
Inalala naman ni Miguel kung paano niya ito sinabi kay Paolo.
“May period po noong kasasabi ko lang na magpapakasal na ako, eh di siya [Paolo] parang, 'OK lang sige, OK lang, sige OK 'yan, OK 'yan.' Ganyan, tapos tahimik lang siya. Siguro mga ano ‘yon halos one month,” kuwento ni Miguel.
Isang umaga, sinubukan ni Miguel na kausapin si Paolo at tanungin kung ano ang problema nito habang nasa isang coffee shop. Ikinagulat niya ang reaksyon ng kapatid.
“May isa kaming umaga may interview kami, may appointment kami for something. Five a.m. naghihintay kami sa Starbucks tapos magkatabi kaming ganyan tapos sabi ko ‘Ano bang problema mo? Sabihin mo na lang sa akin.’ Tapos biglang [umiyak], nag-iyakan na kami sa coffee shop,” ani Miguel.
Pero ang iyakan nila, biglang natigil nang may lumapit sa kanila para magpa-picture.
Ikinasal si Miguel sa girlfriend na si Karelle Bulan noong 2023. Samantala, engaged na si Paolo sa girlfriend na si Maria Rachel.
Kabilang ang mga bokalista ng Ben&Ben sa coaches ng “The Voice Kids Philippines” kasama sina Zack Tabudlo, Julie Anne San Jose, at Billy Crawford. – FRJ GMA Integrated News
