Naniniwala ang aktor na si Benjamin Alves na karapatan ng mga Pilipino na batikusin ang kanilang mga lider sa gobyerno.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Benjamin na kaisa siya ng publiko na sumusuporta rin sa kaniya.

"I have to stand with them and say something lalo na 'pag nakikita ko directly ang epekto ng nangyayari sa 'tin. For the people that are — 'yung lumalaban nang patas, kailangan talaga nating ipaglaban sila," saad niya.

Isa lang si Benjamin sa mga celebrity na nakiisa protesta laban sa katiwalian noong Linggo kaugnay sa flood control projects.

Bida si Benjamin sa pelikulang "Quezon," na third installment ng TBA Studios' Bayaniverse na ipalalabas sa October 15. Napapanahon umano ang naturang pelikula.

"Maging critic tayo sa mga leader natin kasi talagang they are public servants, so they have to serve us. Dapat ganun tayo, hindi tayo nadadala sa konting ayuda, konting tuwa. Karapatan natin 'yun bilang Pinoy na kini-criticize nila," saad niya.

Napapanood din si Benjamin sa Kapuso series na "Akusada," kasama si Andrea Torres, mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 4:05 p.m. sa GMA Afternoon Prime. —FRJ GMA Integrated News