Ikinasal na sina Jerald Napoles at Kim Molina sa isang intimate wedding ceremony na ginanap sa Bohol.
Ginanap ang kasal ng dalawa nitong Linggo sa isang resort sa Bohol na dinaluhan ng kanilang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan.
Suot ni Kim ang strapless wedding gown ni Mak Tumang, habang puting tuxedo naman ni Maureen Reeca Cruz ang suot ni Jerald.
“A dream walk to remember,” saad ni Kim sa Instagram, na may wedding hashtag na #KIMpletoNasiJe.
Nitong nakaraang Pebrero, ibinahagi nina Kim at Jerald ang kanilang pre-wedding film na may tugtog na “Golden Hour” ni JVKE.
Agosto 2024, nang maging engaged sina Jerald at Kim. Isinagawa ang proposal sa PETA Theater kung saan unang nagkita ang dalawa.
Bida ang dalawa sa Prime Video’s comedy series na “LOL: Last One Laughing.” — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News

