Iniulat ng People Magazine na ikinasal na ang “Spider Man” lead actor na si Tom Holland at leading lady niya na si Zendaya.

Ayon sa People Magazine, kinumpirma ng matagal nang stylist ni Zendaya na si Law Roach ang nangyaring kasalan sa red carpet ng Actor Awards noong Lunes ng umaga (oras sa Pilipinas).

"The wedding has already happened. You missed it," sabi umano ni Roach sa Access Hollywood.

"It's very true," tugon ni Roach nang usisain kung totoo ang kaniyang inihayag.

Nitong nakaraang taon, kinumpirma ng US media ang engagement nina Zendaya at Tom, kasunod ng pagdalo ni Zendaya sa Golden Globes 2025. Sa naturang event, namataan siyang may suot na diamond ring.

Unang umugong ang tsismis tungkol sa kanilang relasyon matapos silang bumida bilang sina Peter Parker at Michelle sa Marvel blockbuster na Spider-Man: Homecoming noong 2017.

Noong July 2021, napaulat na nakita ang dalawa na naghalikan sa loob ng sasakyan. 

Mula noon, naging bukas na ang dalawa na ihayag ang kanilang relasyon sa Instagram posts.— FRJ GMA Integrated News