Tadtad ng saksak nang makita sa loob ng sementeryo ang magkasintahang menor de edad matapos silang mapagbalingan ng inggit at galit ng isang 18-anyos na lalaki na binasted ng kaniyang nililigawan sa Morong, Rizal.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing edad 12 ang lalaking biktima, habang 13-anyos naman ang babaeng biktima.
Sabado nang i-report ng mga magulang ng dalawang biktima na nawawala sila matapos na hindi makauwi. Pagsapit ng hapon sa sumunod na araw (Linggo), nakita ang kanilang duguang bangkay sa loob ng sementeryo sa Barangay San Juan.
Ayon sa pulisya, tumulong pa ang suspek sa paghahanap sa mga biktima, at pilit umanong inililigaw ang awtoridad sa kung sino ang salarin matapos na ituro ang kaniyang kaaway.
Pero may mga nakakita umano sa suspek na tumatakbo palayo sa pinangyarihan ng krimen na may dugo sa damit at kamay. Sa follow-up operation, naaresto ang suspek at umamin sa krimen.
Napag-alaman din na kamag-anak ng suspek ang babaeng biktima kaya humihingi siya ng tawad sa kaniyang nagawa.
Inamin niya na nagawa niya ang krimen dahil sa inggit, kalasingan at labis na galit sa babaeng bumasted sa kaniya kaya napagbalingan niya ang magkasintahan.
Mahaharap ang suspek sa kasong double murder.—FRJ GMA Integrated News
