Dumalo si Kris Aquino sa kaniyang birthday lunch sa Bahay Pangulo, ang official residence ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend," sinabing ang naturang salu-salo ay inorganisa ng fashion designer na si Michael Leyva, na kaibigan ni Kris at First Lady Liza Araneta-Marcos.
Ang Unang Ginang umano ang naghanda ng homecooked lunch para sa naturang salu-salo.
Ito ang unang pagkakataon makaraan ang 31 taon na nagkasama sina Kris at Pangulong Marcos makaraang magkasama noon ang dalawa sa isang TV show.
Inihayag naman ng Unang Ginang na related siya si kay Kris dahil ang tiyuhin niya ang asawa ng tiyuhin ni Kris.
Ipinagdiwang ni Kris ang kaniyang ika-55 kaarawan noong Pebrero.
Kasalukuyang nakikipaglaban si Kris sa siyam na autoimmune diseases. Inihayag din niya ang planong maglunsad ng kaniyang video podcast. —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News

