Puno nang pasasalamat si Paolo Contis para sa kaniyang dating asawa na si Lian Paz at sa mister nito ngayon na si John Cabahug matapos siyang sorpresahin sa kaniyang kaarawan.

Sa Instagram post, ibinahagi ng Kapuso actor ang ilang larawan mula sa pagdiriwang ng kaarawan ng mga anak nila ni Lian na sina Xalene at Xonia habang nasa Cebu Safari.

“Medyo late post of Xonia and Xalene’s birthday sa Cebu Safari. Beautiful place, pero mas beautiful na bonding at tawanan. I love you both so much,” ani Paolo.

Ngunit hindi nagtagal, isinama na rin siya sa selebrasyon nang sorpresahin siya nina Lian at John ng isang birthday cake para ipagdiwang din ang kaniyang kaarawan.

Nagpasalamat si Paolo sa mag-asawa para sa cake at sinabing “a happy birthday indeed."

"See you all very very soon!” dagdag ng aktor.

Muling nakasama ni Paolo sina Xalene, Xonia, Lian, at John noong Agosto 2025, at nangako ang aktor ng “constant communication.”

 

 

Sa nagdaang mga buwan, mas madalas nang nakakasama ng aktor ang kanyang mga anak at nagbabahagi ng matatamis na mensahe para sa kanila matapos mawalay nang matagal na panahon mula nang maghiwalay sila ni Lian noong 2012.

Ikinasal sina Lian at John noong September 2025. — Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News