Magtatambal sa isang pelikula sina John Lloyd Cruz at Jasmine Curtis-Smith. Itinuturing daw itong "passion project" ng aktor.

Sa ulat ni by Jerry Olea sa PEP.ph, sinabing kung walang magiging aberya ay magsisimula ang shooting ng movie sa darating na Mayo.

Inihayag din umano ng aktor na matagal nang plano ang proyekto at umaasa siyang matutuloy na ito ngayong taon.

ADVERTISEMENT

Ayon kay John Lloyd, excited siyang makatrabaho sa pelikula si Jasmine, at ikinuwento niya kung papaano nabuo ang proyekto.

"Character-driven yung consideration for Jasmine to be part of the film," anang aktor. "Yung character na nabuo namin together with the writer and the director, tingin ko, puwedeng ilapit sa kaniya as something na puwede niyang i-consider, or pag-trip-an or trabahuhin."

Para kay John Lloyd, bagay kay Jasmine ang character. Inihayag din ng aktor ang labis na paghanga niya sa husay ng Kapuso actress.

Sabi pa ng aktor, may nagkuwento sa kaniya tungkol sa isang eksena sa pelikula na ginawa ni Jasmine kasama ang actor-director na si Ricky Davao na ipinalabas noong 2018.

"Tapos, si Jasmine… hindi ko mapag-marry yung dalawang thought na si Jasmine Curtis, tapos, nasa likod siya ni Ricky Davao. Yun ang eksena," paliwanag ni John Lloyd.

"Yung eksenang iyon, parang, hindi mawala sa isip ko when I hear her name. Parang, 'Lupit nito, ah?!'" sambit ni John Lloyd, na aminadong hindi napanood ang eksena pero sapat na para hangaan niya si Jasmine.

At hindi naman siya nagkamali nang magkatrabaho sila noong December 2021 nang maging special guest ang aktres sa pilot episode ng sitcom niyang "Happy ToGetHer" sa GMA-7.-- For the full story, visit PEP.ph