Mga mata ang naging kapalit sa pagtanggi ng isang lolang manghihilot sa hiling ng kaniyang kapitbahay na hilutin sa Cebu City. Ang suspek, naospital matapos bugbugin.

Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa bahay mismo ng biktimang si Faustina Gelay, 79-anyos, sa barangay Sawang Calero sa nabanggit na lungsod.

Ayon sa imbestigasyon, nagtungo sa bahay ng biktima ang salaring si Manuel Sumalpong para magpahilot.

Pero dahil masama ang pakiramdam ni Gelay, tinanggihan nito ang pakiusap ng kapitbahay.

Dito na umano nagalit ang salarin at dinukot ang mga mata ng kapitbahay.

Ayon sa apo ng biktima, nakita nila ang kaniyang lola na nakahiga at nang kanilang itayo ay tuluyang nalaglag ang isang mata nito, at bahagya namang nakalawit ang isa pa.

Sa follow-up operation ng pulisya, natunton nila sa palengke ng Taboan si Sumalpong, at nagpumiglas pa umano nang arestuhin.

Nang malaman ng mga tao sa lugar ang ginawa ni Sumalpong sa matandang biktima, binugbog nila ito kaya dinala sa ospital dahil sa tinamong sugat sa ulo.

Nahaharap si Sumalpong sa kasong serious physical injury. -- FRJ, GMA News