Sa kanyang pagbabakasyon sa Amerika, sinabi ni "Meant To Be" star Ivan Dorschner na gugugulin niya ang kanyang panahon para sa pamilya at paghahanda para sa kanyang upcoming Kapuso project.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras nitong Biyernes, inamin ni Ivan na matagal na niyang hindi nakikita ang mga kapatid.

"Matulog nang mahaba. Makakasama ko naman 'yung mga kapatid ko. Actually hindi ko sila nakikita na matagal na," sabi ni Ivan.

Sa naplano na niyang isang buwan na bakasyon, matinding preparasyon ang gagawin ni Ivan para sa kanyang proyekto sa GMA.

"Magdyi-gym po ako. May mga martial arts training. Mga parkour classes," aniya.

Sa kanya namang pag-alis, inamin rin ni Ivan na mami-miss niya ang "Meant To Be" cast, staff at crew, na matagal niya ring nakasama.

"Nagpadespedida kami nina Barbie, Ken, Jack, Addy. Dumating na si Addy, bumalik na siya [galing] India. So naka-attend na din siya. Sagot naman ni direk, siya nagbayad ng mga kinain namin," pahayag ng aktor.

Natutuwa naman si Ivan para kay Barbie Forteza at Ken Chan na gumagawa ngayon ng isang pelikula.

"Ken and Barbie, good luck sa inyo sa bago ninyong project na 'This Time Will Be Sweeter.' Alam ko kaya ninyong dalawa 'yan. Pagbalik ko, aabangan ko 'yan. Talagang papanoorin namin ng buong 'Meant to Be' cast." —Jamil Santos/ALG, GMA News