Inamin ng actress-turned-politician na si Angelica Jones na naging nobyo niya ang dating aktor na pumasok din sa mundo ng pulitika na si Bobby Yan. Pero bakit nga ba hindi sila nagkatuluyan? Alamin.
“Aaminin ko totoo ‘yun, ex-boyfriend ko ‘yon. Three years ding kami,” sabi ni Angelica sa kaniyang nakaraang guesting sa “Your Honor.”
“Nag-start kami sa best friends. Talk show, hanggang kinuha niya ako sa shows. Nag-develop,” pagpapatuloy niya.
Inilarawan ni Angelica si Bobby bilang tao na “mapagmahal.”
“Pero 'yung sa amin kasi ni Bobby, tumagal kami nag-start kami as best friends. He's a former councilor and board member ako ngayon. Kumbaga, siya 'yung taong tipo na talagang mapagmahal. He's a perfect man for me,” ani Angelica.
Pero bakit nga ba hindi sila nagkatuluyan?
Ayon kay Angelica, nasa edad 21 o 22 lang siya nang maging magkasintahan sila ni Bobby, na 36-anyos naman noon.
“So that time, nasa stage na siya to settle down. Ako hindi pa puwede. Ayaw pa ako payagan ni mama mag-asawa noon. So matagal siya maghihintay. So hindi pa talaga kami nakatadhana,” paliwanag niya.
Hiningan ng mga host ng programa na sina Chariz Solomon at Mikoy Morales, ng mensahe si Angelica para kay Bobby.
“Hindi ako makapag-message. Nanonood din 'yung manliligaw ko,” natatawang paglalahad ni Angelica.
Pero kalaunan, nagbigay din si Angelica ng mensahe para sa kaniyang ex.
“Eh ‘di manliligaw ka ulit,” sabi niya. – FRJ GMA News
