Nakunan sa closed-circuit-television camera ang pamamaril ng isang lalaking nakasuot ng helmet sa dalawang lalaki sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "QRT" nitong Martes, makikita sa CCTV ang biktimang si Rodel Noble, habang may kausap sa G. Perfecto Mendoza Street sa boundary ng Barangay 50 at Barangay 52 nitong Lunes ng hatinggabi.

Hindi nagtagal, isang motorsiklo ang makikitang dumaan sa CCTV na nakasuot ng helmet ang rider. Ang naturang rider ang sinabing bumaril kay Noble na nagtamo ng ilang tama ng bala sa katawan at leeg.

Nagawa pang makatakbo ng biktima ngunit bumagsak din sa kalsada.

May isa pang pinaputukan ang salarin bago tumakas pero hindi ito hagip sa CCTV.

Pero sa isa pang kuha sa CCTV, makikita naman ang isang alyas "Manny" na tumatakbo dahil sa takot na baka habulin umano ng salarin.

Nang bumalik si "Manny," paika-ika itong maglakad dahil sa tinamong tama ng bala sa pigi.

Nagtulong-tulong naman ang ilang residente na ipasok si Noble sa isang eskinita para hindi na balikan ng salarin bago siya dinala sa ospital.

Ayon sa mga residente, hindi raw nila kilala ang lalaking namaril.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulis sa naturang insidente. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News