Aminado si Jason Abalos na mahabang proseso ang kaniyang dinaanan bago siya nagpasyang lumipat bilang Kapuso. Kaya naman laking tuwa raw niya nang malaman na magkakaroon na kaagad siya ng proyekto kasama ang mga big star ng GMA Network.
"Isang mahabang proseso para sa akin. Ilang taon ko sigurong inisip at pinagdasal kung lilipat ako ng GMA o hindi. Nu'ng narinig ko na meron akong meeting kasama si Ms. Gigi (Santiago-Lara) at Ms. Lilybeth (Rasonable), na-excite ako kasi ito yung pinagdarasal ko nang ilang taon," sabi ni Jason nang i-reveal ang kaniyang karakter sa bagong GMA soap na 'The One That Got Away' nitong Miyerkules.
Migo Adecer, Jason Abalos and Ivan Dorschner to join the cast of "The One That Got Away," GMA's newest rom com soap. @gmanews pic.twitter.com/6tvrdcJN6R
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) October 18, 2017
Si Jason ang gaganap bilang si Gael Harrison Makalintal sa serye, isang single father na may 4-year-old na anak. Sinabing mai-in love raw sa kaniya ang karakter ni Rhian Ramos na si Zoe.
"Siyempre, gusto kong subukan yung kapalaran ko sa GMA," dagdag pa ni Jason. "Gusto ko talagang magkaroon ng comedy o romantic comedy dati pa... Kaya nga para sa akin, panibagong adventure ito," aniya.
"Gusto ko lang talagang mag-experiment, mag-explore bilang artist kasi gusto kong lumawak yung range ng kakayanan ko kasi gustong tumagal. 'Yung tipong Eddie Garcia ka, ganyan ka pa rin," dagdag pa ni Jason.
Nagkwento naman si Jason tungkol sa karakter niyang si Gael.
"Si Gael, isang binatang ama na pihikan sa babae kasi hindi niya alam kung ito ba ay matatanggap ng anak niya o tatanggapin ng babae yung anak niya. Kasi mahirap yun eh for a single dad, iniisip mo lagi yung kapakanan ng anak mo eh. Wala naman sigurong taong nakakatanda na gustong mapariwara ang mga bata," kuwento niya.
Marami raw aabangan ang mga manonood sa bagong rom-com serye.
"Na-excite ako kasi may mga sinabi sila na hindi ko pwedeng i-reveal sa ngayon, pero sa bandang huli, 'pag napanood niyo," saad niya.
Handa raw si Jason sakaling magkaroon ng mga topless scenes. "Kung kakayanin namin," anang aktor.
Handa na rin ba siyang magpaka-daring?
"I trust naman lahat ng writers ng magiging show namin. Hindi naman siguro ibibigay kung hindi kailangan ng mga eksena," tugon niya.
Sa press conference, sinabi ni Jason na nabawasan na raw siya ng five pounds bilang paghahanda sa serye.
"Tsaka siyempre, susubukan naming maging karapat-dapat sa mga leading ladies dahil alam niyo naman, sina Lovi Poe, si Rhian at si Max, ang se-sexy 'di ba? So dapat namin sigurong pantayan kung ano ang hinahanap nila," ayon kay Jason.
At dahil tungkol sa usapang ex ang "The One That Got Away," sinabi ni Jason na walang problema na maging magkaibigan pa rin ang dating magkasintahan.
"Puwede naman kung wala naman ka namang nagawang hindi maganda sa tao, 'di ba? Naniniwala naman ako sa kasabihan na kailangang walang masamang tinapay sa isang tao kasi ayaw mong lumiit yung mundo mo eh," pahayag niya.
Dagdag ni Jason, "Kung meron mang nangyaring hindi maganda sa inyo, eh 'di siguro mas maganda pag-usapan niyo, magkaliwanagan tapos kalimutan na lang kasi wala namang mangyayari kung babalik-balikan yung nakaraan."
Kasama rin sa "The One That Got Away" sina Dennis Trillo, Ivan Dorschner at Migo Adecer.-- FRJ, GMA News
