Maliban sa mga Barbie doll, may koleksyon din ng mga medalya ang Kapuso star na si Ashley Ortega na napanalunan niya sa pagsali sa mga international competition kaugnay ng paborito niyang sport. Alamin ang kaniyang kuwento sa programang "Tunay Na Buhay."

Maliban sa pagiging artista, lingid sa kaalaman ng marami ay isang professional figure skater si Ashley at sumasali siya sa iba't ibang kompetisyon maging sa ibang bansa.

Sa programang "Tunay Na Buhay" nitong Huwebes, ipinakita ni Ashley sa host na si Rhea Santos ang mga koleksyon niya ng Barbie dolls na hindi niya pinaglalaruan.

Aniya, hanggang tingin at hawak lang daw ang ginagawa niya sa mga laruan.

Ipinakita rin niya ang mga napanlunan niyang medalya sa pagsali sa figure skating.

Aniya, sa isang kompetisyon sa Malaysia, 12 events ang kaniyang sinalihan.

Professional figure skater na siya noon nang magsimula siyang gumawa ng mga commercial sa edad na 12, at nagtuloy-tuloy na siya sa pagiging artista.

Unang lumabas si Ashley sa drama serye na "Cielo de Angelina" (2012), gumanap bilang isang bipolar psychopath sa "Dormitoryo" (2013), at nakabilang pa sa "My Destiny" (2014) at InstaDad (2015).

Ngunit mas lalong naging matunog pa ang pangalan ni Ashley nang sumikat ang ginawa niyang commercial ng isang fastfood chain.

Host na ngayon si Ashley sa GMA variety show na "Wowowin," kung saan naging kumportable na siyang humarap sa maraming tao.

Bukod sa mga medalya, ipinakita rin ni Ashley ang koleksyon niya ng mga Barbie dolls, sinimulan niya mula pa noong anim na taong gulang pa lamang siya.

"Ang natutunan ko is acceptance, kahit anong struggle pa 'yan, kahit how painful it is, you have to accept whatever happens sa life mo," kuwento raw ng buhay ni Ashley. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News