Nagtamo ng mga sugat, pasa at galos sa katawan ang isang lalaki matapos siyang kuyugin ng may 15 katao sa Tondo, Maynila. Ang biktima, nagtangka lang awatin ang mga gumugulpi sa kaniyang kaibigan.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyekules, makikita sa kuha sa CCTV camera ng barangay ang pagkakadapa sa gitna ng kalsada ng biktima nang takasan ang mga humahabol na lalaki.
Isang lalaki kaagad ang tila may inihampas na bagay sa nakabagsak na biktima na nasundan ng hindi mabilang na sipa at mga suntok mula sa iba pang lalaki.
Pero kahit na marami ang bumabanat sa kaniya, pilit na tumatayo ang biktima pero kumuha ng dustpan o pandakot ang isa sa mga gumugulpi sa kaniya at ilang ulit na inihampas sa kaniyang ulo.
Tumigil lang ang lalaki sa kapapalo nang awatin ng isa niyang kasama at nakalayo ang biktima pero binato pa siya ng silya bago tuluyang umalis.
Nakauwi naman ang biktima at saka isinugod sa ospital para magpa-medico legal examination. Kinailangang tahiin ang kaniyang noo at ulo dahil sa tinamong gulpi.
"Ang nasa isip ko kailangan ko na tumayo talaga para makauwi ng bahay, yun ang nasa isip ko. Tapos kinoberan ko yung ulo ko para 'di ako gaanong masaktan. Kasi nakita ko pinapalo niya ako nung dustpan, natumba na ako," kuwento ng biktima.
Paliwanag pa niya, una raw ginulpi ng mga lalaki ang kaniyang kaibigan matapos daw itong makursunadahan kaya sinubukan niyang umawat.
Ayon kay Police Officer 1 Danny Kabigting, imbestigador, posibleng masampahan ng attempted homicide ang mga lalaking nanakit sa biktima.
Kabilang sa mga planong kasuhan ang sinasabing pasimuno ng panggugulpi na si Alias "Jonjon," na nakita sa CCTV na pumapalo ng dustpan sa ulo ng biktima.
Pinayuhan ni Kabigting ang mga lalaking nasangkot sa gulo na sumuko at makipag-ugnayan sa kaniyang barangay para ibigay ang kanilang panig.-- FRJ, GMA News
