Sinuspindi na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapadala ng overseas Filipino workers sa Kuwait sa harap ng mga ulat ng pang-aabuso ng mga amo sa mga manggagawang Pinoy.

Sa Administrative Order No. 25 na ipinalabas ni Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabing mananatili ang suspensyon habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa insidente ng pagkamatay ng pitong OFW sa Kuwait.

Inatasan ni Bello ang Philippine Overseas Employment Administration na, "suspend the processing of Overseas Employment Certificates (OEC) for deployment to Kuwait."

Ipinalabas ni Bello ang kautusan isang araw matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ikinukonsidera niya na ipatigil ang pagpapadala ng OFWs sa Kuwait dahil sa mga ulat ng pang-aabuso sa mga manggagawang Pinoy.

Nitong Biyernes, inatasan din ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano ang dalawang opisyal ng DFA na makipag-ugnayan sa Kuwaiti ambassador sa Pilipinas para pag-usapan ang mga ulat ng pang-aabuso sa mga OFW.

Nakatakda umanong gawin ang pagpupulong sa Lunes.

"On Monday, our usec (undersecretary) and asec (assistant secretary) will be talking to the ambassador and show him the statement of the president,"  sabi ni Cayetano.

"I'm expecting a good response from the ambassador, but of course we have to see the response translate into action. We need protection of our OFWs," dagdag niya.

Kabilang Kuwait sa mga pangunahing bansa na destinasyon ng mga OFW, na karamihan ay nagtatrabaho bilang mga kasambahay at yaya. — FRJ, GMA News