Ibinalik na ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson ang natanggap niyang parangal mula sa UST Alumni Association (USTAAI) matapos makatanggap ng mga batikos. Ang presidente naman ng USTAAI, nagbitiw sa kaniyang puwesto.
Sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabi ni Uson sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post na nagpasya siyang ibalik ang award bago pa man makapagbigay ng pahayag ang asosasyon tungkol sa natangap niyang pagkilala.
Sinabi umano ng USTAAI kay Uson na wala silang balak na bawiin ang ibinigay na pagkilala sa kaniya.
Ang naturang parangal ay ibinigay ng USTAAI sa mga taong nagtapos sa unibersidad at humahawak ngayon ng posisyon sa gobyerno at iba pang sangay ng pamahalaan.
Iminungkahi ni Uson na mag-"move on" na at talakayin na lang ang iba pang mahahalagang isyu tulad ng pagtulong sa mga nabakunahan ng Dengvaxia at mga lumikas dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Mayon.
Pinasaringan din ni Mocha sa isang post si Senador Joel Villanueva dahil sa naging pahayag ng huli kaugnay sa natanggap nilang parangal.
READ: Joel Villanueva hurt by UST alumni association’s statement on Mocha’s award
"Sen Joel Villanueva hinahangaan pa naman kita kasi anak ka ng isang ginagalang kong Pastor. Nakalimutan mo ata na ang ating Panginoong Hesus mismo ang kasama niya ay ang mga nagkamali sa lipunan o mga makasalanan,” saad ni Uson patungkol kay Eddie Villanueva, pinuno ng Christian group na Jesus is Lord Church Worldwide.
“Pero kayo kulang nalang sabihin niyo na nandidiri kayo sa akin. 'Wag kang mag-alala someday magkikita uli tayo…” dagdag ni Uson.
Bago nito, nagbitiw na bilang presidente ng USTAAI si Henry Tenedero, na inaako ang responsibilidad sa nangyari.
Humingi rin ng paumanhin ang asosasyon sa rector at pamunuan ng UST, mga alumni at mga estudyante.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
