Labing tatlong katao ang sugatan matapos na mawalan umano ng preno ang isang truck na magde-deliver ng aspalto, at nagdulot pa ng karambola ng siyam na sasakyan sa Taytay, Rizal.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa CCTV na bumubulusok na sa kalsada ang nag-counterflow na truck habang kinakaladkad nito ang isang tricycle.

Naganap ang insidente bandang 1:30 a.m., kung saan masuwerteng nakaiwas at nasagi lamang ang kasalubong na dalawang AUV.

"Natanaw ng anak ko, sinabi niya 'Papa iwasan mo,' sabi niya. Medyo nakabig ko pang konti kaya nakalusot," sabi ni Gilbert Daracan, driver ng nahagip na sasakyan.

Ngunit ang UV express na kasunod ng isa sa mga AUV, napagitnaan ng truck at ng isa pang pulang sasakyan.

"Tulog po kasi ako noon, akala ko nga po nahulog kami sa bangin eh. Pagkasalpok po ng truck, may bumangga pa sa likod namin," sabi ni Tyrone Perillo, sakay ng nabanggang UV express.

Mapalad na nakaligtas ang driver ng kinaladkad na tricycle na si Melvin Tolentino, at nagpapasalamat na wala siyang sakay nang salpukin ng truck.

"Nakita kong malapit na sa'kin, bubungguin na ako, tumalon na lang ho ako sa tricycle," sabi ni Tolentino.

Isa ring nakabisikleta ang kamuntikan madamay.

"'Yung bike ko po, hindi ko na kinuha, kasi kung kinuha ko pa po, mamamatay po ako eh. Kaya tumalon na lang po ako," sabi ni Jojo Garcia.

Ayon kay Ramil Luis, truck driver, biglang hindi kumakagat ang kaniyang preno.

"Siguro sir, hindi talaga kinaya 'yung karga. Mabigat lang siguro ang karga," sabi ni Luis.

"Instead na maging fatal pa, iniwasan niya 'yung terminal ng tricycle. So nag-counterflow siya sa kabilang lane," sabi ni SPO1 Hector Cardinales.

Nakadetene na sa Taytay Police si Luis na mahaharap sa relamong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to property. —Jamil Santos/NB, GMA News