Matapos magpahinga ng higit isang taon, magbabalik-showbiz na si Kylie Padilla at sasabak sa "Lip Sync Battle Philippines" laban sa kaibigan niyang si Gabbi Garcia.
Mangyayari ang paghaharap ng dalawang Sang'gre ng "Encantadia" sa "Lip Sync Battle Philippines" arena sa darating na linggo.
Inaasahan na magiging mahigpit ang laban ng dalawa dahil dati na ring nag-kampeon sa programa si Gabbi.
Mahigit isang taon nawala sa showbiz si Kylie nang ipagbuntis at isilang niya si Baby Alas, na nine-month-old na ngayon.
Sa isang panayam, sinabi ni Kylie na excited siya sa mga project na darating sa kaniya at paghahandaan na lahat ng kaniyang magiging proyekto.
"Before it's just work. Ngayon pinaghahandaan ko kahit guestings na ganito, I need to prepare," saad niya.-- FRJ, GMA News
