Matapos kumpirmahin ng International Criminal Court (ICC) ang mga paratang ng crime against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa dami ng mga nasawi sa kaniyang kampanya noon kontra-ilegal na droga, kailan naman kaya magsisimula ang paglilitis sa dating lider? Alamin.

Sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ni ICC Assistant to Counsel Kristina Conti, na maaaring magsimula ang paglilitis ng ICC kay Duterte sa pagitan ng Oktubre 2026 at Pebrero 2027.

“Baka matagal pa. Buwan po ang bibilangin between eight months to one year. So sabihin natin, between October [2026] to February 2027 pa ito,” ayon kay Conti.

"‘Yung paghahanda behind the scenes na natin makikita or walang public hearing ‘yung magaganap na status conferences, magaganap na discussions. Kaya po kapag nagsimula na naman ang trial proper, halos tuloy-tuloy na ito," dagdag pa niya.

Sa ilalim ng Rome Statute, karaniwang kinakailangang dumalo sa paglilitis ang akusado, ayon kay Conti.

Gayunpaman, sinabi ni Conti na pinapayagan ng ICC ang ilang flexibility, gaya ng pagdalo sa pamamagitan ng virtual meeting o livestream, para matiyak ang paglahok ng akusado.

Hindi namaan maaaring hadlangan ng isang akusado ang paglilitis nang may masamang hangarin sa pamamagitan ng pagtangging humarap sa korte, dagdag pa ni Conti.

Sa unang araw ng paglilitis

Sinabi ni Conti na ang unang araw ng paglilitis ay maaaring maging kagaya sa isang arraignment o pagbasa ng sakdal sa akusado. Susundan ito ng pagtatakda ng mga alituntunin ng mga hukom.

Matapos nito, inaasahang maghaharap ang mga grupo ng prosekusyon at depensa.

Ang mga pagdinig ay karaniwang ginaganap sa oras ng trabaho ng ICC na mula 9 a.m. hanggang 4 p.m., at depende ang schedule sa mga pangangailangan ng mga partido at sa pagkakaroon ng mga silid sa korte, ayon pa sa abogado.

Gaya ng mga nakaraang paglilitis sa ICC, sinabi ni Conti na inaasahang ipalalabas nang live ang pagdinig, na maaaring may 30 minutong pagkaantala dahil sa mga usapin ng seguridad.

Idinagdag pa niya na maaaring tumagal ng mga taon ang paglilitis. Ayon kay Conti, tumagal nang humigit-kumulang tatlong taon ang mga nilitis na nakaraang mga kaso, habang ang ilan naman ay inabot ng hanggang 10 taon.

Maaaring mas maraming ebidensya ang iharap sa panahon ng paglilitis, sabi pa ni Conti.—Joviland Rita/Jamil Santos/FRJ GMA News