Isang 15-anyos na dalagita sa Talisay City, Cebu ang nahikayat na magpadala ng hubad niyang larawan sa isang dayuhan na nakilala niya sa social media kapalit ng pera. Pero bukod sa hindi naibigay sa kaniya ang pera, kumalat pa ang mga larawan niya sa mga chat group.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News TV "Balita Pilipinas nitong Miyerkoles, sinabing dumulog sa pulisya ang biktima na itinago sa pangalang "Karla" para mapanagot ang responsable sa pagkalat ng kaniyang hubad na larawan.
Ayon sa biktima, nahikayat siya na magbigay ng mga hubad niyang larawan sa isang banyaga matapos siyang pangakuan na bibigyan ng P5,000.
Nakilala raw niya ang banyaga sa social media sa pamamagitan ng isa niyang kaibigan.
Dahil sa kailangan niya ang pera na gagamitin umanong panggastos sa "requirements," pumayag siya sa gusto ng dayuhan.
Pero matapos na maipadala niya ang kaniyang hubad na larawan, walang dumating na pera.
"Chat-chat sa kaibigan ko, tapos binigay niya. Pero binigyan yung kaibigan ko ng pera, nabigla na lang ako kasi hindi ako nabigyan," kuwento ng biktima.
Kasunod nito, kumalat na umano sa mga chat group sa social media ang kaniyang hubad na larawan.
Inilapit ang biktima sa cyber-crime unit ng pulisya para matukoy kung sino ang nagpasimuno sa pagkakalat ng hubad na larawan. Isasalalim din siya psychological evaluation dahil sa trauma bunga ng kahihiyan sa pagkalat ng kaniyang larawan.
Muli namang nagpaalala sa publiko ang awtoridad na huwag magpadala sa tukso ng mga iniaalok ng mga nakikilala sa social media.
"Maybe at first makakatanggap ka ng pera ma-satisfy tayo at first, in the end these minors will end up as victims," sabi ni PO2 Rosalyn Gilbert, WCPD, Talisay City Police. --FRJ, GMA News
