Kalaboso ang tatlong Chinese national na nangidnap umano ng tatlo nilang kapwa-Tsino nitong Martes, ayon sa ulat ni Ian Cruz nitong Huwebes sa Unang Balita.

Sa cellphone video na kuha ni Chief Inspector Gideon Ines, kita kung paano pinosasan sila Yuan Jun, Wana Ping, at He Ping sa isang entrapment operation.

Nag-demand ng P300,000 ang mga suspek sa live-in partner ng biktimang si Chao Yu para sa kalayaan nito.

Isinumbong ng Pilipinong kamag-anak ni Yu ang insidente matapos makipag-transaksyon ang live-in partner ng biktima noong August 20.

Napag-alaman ng pulis matapos ma-entrapt ang mga suspek gamit ang P300,000 na boodle money na hindi nakabayad ng utang si Yu sa casino, kaya ito kinidnap.

"First payment, naka-bayad naman. Then nung second payment, di na nakabayad. Kinuha na lang siya against his will and deprived of his liberty, then pinagproduce siya ng ransom money in the amount of P300,000," ulat ni Ines.

Mahaharap sa kasong kidnapping ang tatlong Chinese nationals, na 'di daw umano nakakaintindi ng Ingles. — MDM, GMA News