Dalawang abogado ang magkahiwalay na tinambangan sa Davao region. Ang isa sa mga biktima, babae.


Sa ulat ni John Paul Seniel sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, nakaligtas sa pamamaril si Atty. Wilmer Donasco, na tinambangan habang nagpaparada ng kaniyang sasakyan sa Ecoland sa Davao City nitong Miyerkules ng umaga.

Dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang bumaril umano sa sasakyan ng abogado at saka tumakas.

Mapalad na hindi tinamaan ng bala si Donasco.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril pero posible raw na may kinalaman ito sa trabaho niya.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang biktima.

Sa Tagum City naman, hindi nakaligtas sa pamamaril ng mga salaring nakamotorsiklo rin noong Lunes si Atty. Connie Villamor habang sakay ng kaniyang SUV.

Gumawa na ang pulisya ng special investigation task group na tututok sa imbestigasyon upang malutas ang kaso ni Villamor.

Ayon sa pulisya, tinatingnan nila ang lahat ng posibleng motibo sa krimen na kinabibilangan ng trabaho, negosyo at pulitika.

Pinayuhan din ng pulisya ang mga abogado na ipagbigay-alam sa kanila kapag may natatanggap silang mga banta sa buhay. -- FRJ, GMA News