May pangatlo nang pagpipilian na mga isinilang sa New York City kung anong kasarian ang nais nilang ilagay sa kanilang birth certificate.
Sa ulat ng Reuters, sinabing pinirmahan na ni Mayor Bill de Blasio ang batas na naglalagay ng ikatlong gender category na "X" [bukod sa male at female] sa kanilang birth certificate.
Ang New York, ang panglimang lugar sa Amerika na naglagay ng gender-neutral 'X' sa birth certificate, kasama ang California, Oregon, Washington state at New Jersey.
Mayroon ding gender-neutral driver licenses sa tatlong state at Washington, D.C.
Ikinatuwa ng mga transgender advocate ang naturang hakbang. Tingin nila, isang uri ang diskriminasyon ang sistema ng sapilitang paglalagay ng kasariang lalaki o babae sa dokyumento nang labag sa kanilang kagustuhan.
Sa ilalim ng bagong batas ng New York City, puwedeng magpalit ang kanilang mga residente ng kasarian sa birth certificate na may kasamang personal affidavit kahit wala nang sertipikasyon ng doktor.
“This change may seem small but it is monumental,” sabi ni Tanya Asapansa-Johnson Walker, isang transgender activist.
“Imagine having to out yourself over and over and over again to strangers,” saad niya. “Future generations will not have to suffer.”
Noong 2014, pinayagan sa New York City na magpalit ng kasarian ang mga transgender people sa kanilang birth certificate ng mula sa male sa female o vice versa. -- Reuters/FRJ, GMA News
