Nahuli-cam ang modus ng isang babae na nag-astang kawani ng isang money transfer service sa Quezon City at nakatangay ng P30,000 sa isang babaeng kumubra ng padalang pera.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV ang suspek na pangiti-ngiting nakikisalamuha sa mga nakapilang customer ng isang money transfer service sa Barangay Commonwealth.
Isang babae na kukuha ng padalang pera ang pinuntirya niya at kunwaring inalalayan hanggang sa teller.
Ilang saglit pa, nagpaalam ang biktima na may bibilhin muna sa kalapit na tindahan at sinabihan siya ng suspek na tatawagin na lang kapag naproseso na ang kukuning pera.
Maya-maya pa, tinawag na ng suspek ang biktima sa tindahan para kubrahin na ang kaniyang pera sa teller.
Matapos ang transaksyon, sinundan ng suspek ang biktima na nagtungo muli sa tindahan at sinabihan na na kailangan niyang ibalik ang pera para mapalitan.
"Ang sinabi sa kaniya, 'Ma'am 'yung mga ibinigay sa inyong tig-P500, bubuuin natin ng tig-iisang libo.' Ibinigay naman niya, kasi nakikita niya nag-a-assist doon eh," paliwanag ni Cesar Morales, desk officer ng Brgy. Commonwealth.
Nang maiabot ng biktima sa suspek ang P30,000 padala ng kaniyang kamag-anak, dali-daling tumakas ang kawatan at hindi na bumalik.
Nalaman na lang ng biktima na nasalisihan siya nang pumunta siya sa establisyimento at nadiskubreng hindi nila empleyado ang suspek.
Nagpa-blotter na ang biktima pero tumanggi na siyang magbigay ng pahayag.
Paalala naman ng mga awtoridad sa publiko, huwag madaling magtiwala." -- Dona Magsino/FRJ, GMA News
