Matinding galit ang naramdaman ng isang pamilya sa Cordon, Isabela matapos nakawan at pinabayaang nakatiwangwang sa labas ng nitso ang ataul ng kalilibing na bangkay ng kanilang ina.
Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, inabutan ng mga kaanak ang bangkay ni Magdalena Ramel sa labas ng nitso sa Independiente Cemetery sa Cordon, isang gabi pa lang ang nakalilipas matapos ang libing.
Nakabukas ang ataul nito at nagkalat pa ang ilang gamit sa labas na kasamang inilibing.
Ayon sa mister ni Magdalena, isinama nila sa ataul ng kaniyang misis sa libing ang isang mamahaling relo, dalawang one-dollar bill, ilang perang papel, at tatlong pitaka na puno ng barya.
Sa operasyon ng pulisya, nadakip ang 21-anyos na si Mauro Aquino at isa pang menor de edad. Nakuha sa kanila ang relo at dalawang dolyar pero wala na ang ibang gamit.
Dinala sa himpilan ng pulisya si Aquino habang nasa kustodiya naman ng social welfare department ang menor de edad.
Hindi nagbigay ng pahayag ang mga suspek. --FRJ, GMA News
