Nasabat  ng mga pulis-Maynila ang kahong-kahong pekeng sigarilyo sa Tondo, Maynila, na dadalhin na sana ng isang van sa Binondo.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes ng umaga, sanabing sa tulong ng isang asset natunton ng mga pulis mula sa Manila Police Station 1 (MPD 1) ang van na may kargang 29 na kahon ng pekeng sigarilyo o 14,500 na kaha, at napag-alamang ibenebenta ang bawat kaha ng P50.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, natunton ang van sa may Capulong Street sa Tondo, at nang inspeksiyunin, tumambad sa mga awtoridad ang kahong-kahong pekeng sigarilyo..

Inaresto ang driver ng van na si Julito Octing at ang pahinanteng si Anthony Pano.

Pahayag ni Police Lieutenant Colonel  Rey Magdaluyo, commander ng MPD 1, "Mahigit isang buwan na 'tong minamanmanan pero natagalan dahil sa highly mobile ang mga suspek at gumagamit sila ng iba't ibang uri ng sasakyan minsan closed van."

Depensa ng mga suspek, hindi raw nila alam na counterfeit na sigarilyo ang kanilang dala. Tinatawagan lamang umano sila at ipapa-pick up ang mga kahon.

Ayon sa mga pulis, mismong ang mga kinatawan ng dalawang kumpanya ng ginayang sigarilyo ang kumumpirmang counterfeit ang mga ito.

"Pati ang mga BIR stamp ng mga sigarilyo ay peke," Pahayag ni Magdaluyo.

Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa RA 8293 o, intellectual property code in relation to unfair competition and trademark infringement. —LBG, GMA News