Arestado ang isang tulak umano ng droga sa kaniyang bahay sa Las Piñas City na matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad, kung saan nakuha rin sa kaniya ang hindi lisensyadong .45 na baril, apat na gun replica at mga bala.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Rommel Apolonio, na hinuli ng mga operatiba sa Brgy. Zapote sa bisa ng search warrant.
Natagpuan din sa bahay niya ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu.
"Ito'y matagal nang minanmanan ng ating mga operatiba dito sa Las Piñas at pagkatapos po ng mga surveillance na ginawa ay napatunayan na itong si Rommel Apolonio ay nagtutulak ng droga kaya't nag-apply po ng search warrant sa kaniyang tahanan," sabi ni P/Col. Simnar Gran, Chief of Police, Las Piñas City.
May CCTV din sa kaniyang bahay. Ayon sa suspek, ginagamit niya ito para makita ang mga taong tumatawag sa ibaba ng kanilang bahay pero duda ang pulisya sa kaniyang paliwanag.
"Sa ganung uri ng bahay eh siguro hindi ka naman maglalagay ng CCTV kung wala kang pinaghahandaan na maaaring 'yung manghuhuli sa 'yo o makikita mo 'yung mga nagsu-surveillance sa 'yo so maaaring iyon po ang purpose niya," ayon pa kay P/Col. Gran.
Itinanggi ni Apolonio na kaniya ang baril, granada at hinihinalang shabu.
"Mga pellet gun lang po 'yung andoon sa akin. (nagtutulak daw po kayo ng droga?) Noon po noon pa pero ngayon hindi na ho ako nagtutulak," ayon kay Apolonio.
Nakulong na rin dati umanon si Apolonio dahil sa kasong may kinalaman sa droga.
Mahaharap si Apolonio sa reklamong illegal possession of firearm at sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — Jamil Santos/DVM, GMA News
