Arestado sa drug buy bust operation ang mag-live partner sa Quezon City na tumatanggap umano ng sanla mula sa mga parokyanong nais gumamit ng droga.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang mga suspek na sina Jocelyn Viscate at Norie Jane Taton ng Barangay Batasan Hills.
Ayon sa pulisya, mga jeepney at tricycle driver daw ang madalas na parokyano ng dalawa. Kung wala umanong pera ang mga parokyano, at tumatanggap ng iba't ibang gamit ang dalawa na isasangla kapalit ng droga.
“Itong style niya is kapag walang pambili ang kanyang parokyano—kasi hindi siya nagbebenta ng mababa sa P300, hanggang maaari nga ay P500 ang gusto niya—kung hindi cellphone ang ipapalit, motorsiklo at baril,” sabi ng deputy station commander ng Batasan Police na si Police Major Sandie Caparroso.
Napag-alaman na dati nang nakulong si Viscate dahil din sa pagtutulak ng droga, ayon sa pulisya.
Nakumpiska sa kanila ang limang sachet ng umano'y shabu at plastic na naglalaman ng hinihinalang marijuana.
Itinanggi naman ng dalawa na nagtutulak sila. Ayon ka Viscate, "gumagamit" lang daw siya.
“Nakita ko papasok sa eskinita namin, kaya napatakbo rin ako papasok. Tapos, tinanong nila kung sino yung ka-live in, sabi ko ako. Tapos pinapasok na po nila ako, hindi na nila ako pinalabas,” kwento ni Taton.
Samantala, nasakote naman sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City din si Angelo Echano, na umano'y nagtutulak ng droga sa pamamagitan ng Facebook messenger.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News
