Naospital ang isang tricycle driver sa Puerto Princesa, Palawan matapos umanong tangkaing hatawin ng tubo ang nakaalitan niyang babae nitong Sabado.
Ayon sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, nakunan ang akmang paghampas ng lalaki sa kaaway niyang babae pero hindi natuloy ang pananakit dahil pumagitan ang isang saksi.
Dalawang lalaki naman ang nakipagbuno sa tricycle driver. Ang isa sa mga rumesponde, walang-tigil ang pagsuntok sa tricycle driver hanggang sa matumba na ito sa kalsada.
Agad namang dumating ang mga pulis at ambulansya.
Dinala sa ospital ang tricycle driver habang inimbitahan naman sa istasyon ng pulis ang mga lalaking nambugbog pati na ang babaeng nakaalitan ng driver.
Iniimbestigahan pa ang insidente pero handa raw humarap sa anumang kaso ang mga rumespondeng lalaki dahil ipinagtanggol lang naman umano nila ang babae. — Dona Magsino/BM, GMA News
