Isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson nitong Huwebes na may mga retiradong heneral sa pulisya at militar ang nakakuha ng prangkisa sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para magpatakbo ng Small Town Lottery (STL). Ang problema, mayroon umanong hindi nagre-remit nang tamang kita sa gobyerno.

Sa isang media forum sa Senado, sinabi ni Lacson na mas dumami ang mga retiradong heneral na nakakuha ng prangkisa ng STL nang pamunuan ng dati ring heneral na si Alexander Balutan ang PCSO bilang general manager.

"Other information would indicate na mga retired police and military officers ang nakakuha ng franchise. Nakapangalan lang sa mga dummies pero sila 'yung behind," ayon sa senador na dating hepe ng kapulisan.

"'Pag sabi mo dating police officer na nag-retire, alam niya ang kalakaran ng jueteng. So dapat ginamit 'yung kaalaman nila sa kalakaran ng jueteng sa mabuting paraan para matulungan ang gobyerno, matulungan ang PCSO, pero hindi. Sa halip na mag-remit ng tama, hindi nagre-remit," dagdag niya.

Sinabi ni Lacson na may pamantayan sa pagkakaloob ng prangkisa.

"Kung retired general ka tapos nagre-remit ka nang tama at legal and above board, 'di ka nakikipag-jueteng-an, walang problema. Ang problema nga, hindi nga nagre-remit," giit niya.

Bagaman pinayagan na muli ng Palasyo na makapag-operate ang PCSO ng lotto, nanatiling suspindido naman dahil sa isinagawang imbestigasyon ang iba pang number games nito tulad ng STL, na hinihinalang nagagamit din sa iligal na sugal na jueteng.

Para kay Lacson, makabubuting itigil na ang STL dahil nagagamit umano itong "legal front" sa mga iligal na sugal.

"At least kung wala nang STL, the moment makakita yung pulis ng kubrador, puwedeng hulihin dahil illegal per se. Wala na yung nagma-masquerade as a legal operation ng STL. Wala nang pagtataguan," paliwanag niya.

"So sa akin, mas mainam pa nga siguro kasi, kung ganoon nadadaya naman ang gobyerno massively, parang harap-harapan niloloko ka, tanggalin na nga lang siguro yung STL," dagdag niya.

Gayunman, kapag inalis umano ang STL ay magiging "juicy positions" ang pagiging provincial police commanders sa mga lugar na may "big jueteng operation" tulad ng Bulacan, Pampanga, Pangasinan, Laguna, Quezon at Batangas.

Una rito, inatasan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang umanong katiwalian sa operasyon ng PCSO, partikular sa hindi pagre-remit ng bilyong pisong halaga ng kita sa STL at Peryahan ng Bayan.-- FRJ, GMA News