Inilahad ni Smokey Manaloto na pangarap niya noon na maging isang matinee idol, pero hindi ito nangyari dahil sadyang natatawa raw sa kaniya ang mga tao.

Sa programang "Tunay Na Buhay," binalikan ni Smokey ang pagsisimula ng kaniyang showbiz career, nang mapanood siya sa "Kulit Bulilit" noong 1981.

Taong 1986 naman nang mapanood siya sa Thursday Group ng That's Entertainment.

Sinabi ni Smokey na "by accident" na lang ang kaniyang pagiging komedyante.

"By accident na lang 'yon. Ang talagang balak ko maging matinee idol. Hahaha! 'Yun ang gusto ko kaso lang natatawa sila eh," natatawang sabi ni Smokey.

Nakasama ni Smokey sina Nadia Montenegro, Keempee de Leon, Billy Joe Crawford at Ian Veneracion.

"Eh ang gagandang lalaki ng mga 'yun. Iniisip ko naman, 'Ano na lang ang panlaban ko dito sa mga ito?" pabirong sabi ni Smokey.

Nakasama naman ni Smokey si "King of Comedy" Dolphy sa isang sikat na sitcom taong 1992, at naging host sa SST: Salo-Salo Together noong 1993.

Matapos ang 24 taon, balik-Kapuso si Smokey nang maging bahagi siya ng cast sa The Gift na pinagbibidahan ni Alden Richards nitong 2019. — Jamil Santos/DVM, GMA News