Patay ang isang babaeng nagbibisikleta matapos mahagip at magulungan ng truck sa Pamplona Uno, Las Piñas City, madaling araw ng Nobyembre 21.

Ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Lunes, nakuhanan pa ng CCTV at ng dashcam ng sasakyang nasa likod ng truck ang pagkahagip sa biktima.

Makikita rin ang pagkahandusay ng biktima sa kalsada.

ADVERTISEMENT

Hindi naman huminto ang truck driver at nagtuloy-tuloy lang ito hanggang sa makatakas.

Ayon sa pulisya, hirap silang matunton ang truck driver dahil hindi nakuha ang plate number nito.

Samantala, dead on the spot ang biktimang si Lanie Gatdula, 23-anyos, dahil sa matinding epekto ng pagkakabangga.

Ayon naman sa pamilya ng biktima, magde-deliver lang ng paninda si Lanie sakay ng kanyang bisikleta.

Naulila ng biktima ang kanyang asawa at dalawang anak.

Lubos ang pagluluksa at pananawagan ng pamilya ni Lanie sa hustisya upang mapanagot ang may sala. 

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang paghahanap ng pulisya sa naturang truck driver. —Sherylin Untalan/KG, GMA News