Taong 2019 nang itampok sa "Reporter's Notebook" ang kalagayan ng isang 21-anyos na lalaki sa Ormoc City, Leyte na nangangaliskis at nagsusugat ang mga balat dahil sa pambihirang kondisyon niya na Kindler Syndrome. Alamin ang kalagayan niya ngayon.

Sa muling pagtutok ng Reporter's Notebook nitong Agosto 2021, isang magandang balita ang inilahad ng mga magulang ni Miguel Martinito, na malaki na ang ipinagbago ng kondisyon ng binata.

Unti-unti nang naghihilom ang mga sugat ni Miguel, at naipaayos na rin ang kaniyang kuwarto at mas komportable na ang kaniyang higaan.

Bago nito, sa maliit na silid sa sulok lang ng kanilang bahay namalagi si Miguel sa loob ng ilang taon. Dumagdag pa sa kaniyang pasakit ang mainit na panahon dahil mga pinagtagpi-tagpi lamang na yero ang bubong ng kaniyang kuwarto.

ADVERTISEMENT

Bukod sa lumang stick, isang lumang radyo ang kaniyang nagsisilbing libangan.

Ngunit ngayon, naipagawa na ang dating tumutulong bubong sa tuwing umuulan, at may nagbigay ng bagong radyo kay Miguel.

Kakaunti na rin lang ang mga sugat ni Miguel at natuyo na rin at gumaling ang mga sariwang sugat niya noon sa katawan.

Gayunman, pansamantalang natigil ang pagbibigay sa kaniya ng ointment dahil nawalan ng pondo ang lokal na pamahalaan ng Ormoc City.

"Noong minsan na ilang araw na hindi ko nilagyan [ng ointment], sinubukan ko, bumabalik po 'yung mga sugat niya," sabi ng Jocelyn Martinito ina ni Miguel.

Bagamat hindi na raw nangangati si Miguel, nangangailangan pa rin siya ng tulong.

"Ang masasabi ko lang tulad ngayon na pandemic, stay safe lang talaga sila at always social distancing, face mask, kasi hindi naman nawala ang virus ngayon," mensahe ni Miguel sa mga tao.

Sa mga nais magbigay ng tulong kay Miguel Martinito, maaaring makipag-ugnayan kay Jocelyn Martinito sa numerong: (0930) 0462298/(0912) 1596183.

--FRJ, GMA News