Hiniling ni out-going Senator Ralph Recto kay President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na palayain si outgoing Senator Leila de Lima, na limang taon nang nakadetine.

Nahaharap sa kasong pagkakasangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) si De Lima, na nangyari umano noong kalihim pa siya ng Department of Justice.

Nitong nakaraang mga linggo, ilang testigo na nagdiin kay de Lima sa alegasyon na sangkot umano sa ilegal na droga ang umatras at binawi ang kanilang mga testimonya.

ADVERTISEMENT

Ang pinakahuli ay si Marcelo Adorco, na umano'y bodyguard at driver ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa.

Nauna na ring binawi ni Espinosa ang mga testimonya niya laban kay De Lima.

Ginamit ni Recto ang kaniyang "valedictory" address sa huling araw ng sesyon ng 18th Congress nitong Miyerkules, upang iapela kay Marcos ang paglaya ni de Lima.

"Another feisty lady worthy of our respect is Leila de Lima, a prisoner of conscience, punished for her courage, but whose spirit no prison walls could contain. Trolls put her behind bars. The truth shall set her free," ani Recto na muling babalik sa pagka-kongresista ng Batangas.

"Mr. President-elect, free Leila," dagdag ng mambabatas.

Kasama rin sa talumpati ni Recto ang pagbibigay-pugay niya sa iba pa niyang nakasamang mambabatas sa 18th Congress na nagtapos na rin ang termino.

Kabilang sa kanila sina Sens. Panfilo Lacson, Richard Gordon, at Franklin Drilon, at Senate President Tito Sotto.— FRJ, GMA News