Isang lalaki ang binugbog at sinaksak ng grupo ng mga lalaki sa Barangay Alalasan, Lapuz, sa Iloilo City.

Nakilala ang biktima na si Willie Soria, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes base sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas.

Na-huli cam ang sunod-sunod na panununtok kay Soria, 27-anyos.

ADVERTISEMENT

Nagtamo pa ito ng dalawang saksak mula umano sa suspek na nakilalang si John Tan Maño, 19-anyos. Nagtamo ng mga sugat sa tiyan at tainga ang biktima.

Arestado si Maño at ang iba pang suspek na kinilalang sina Manter Fernandez, 27-anyos, Alden Pellega, 26-anyos, at dalawa pang menor de edad na kasama sa mga bumugbog kay Soria. 

Tinutugis naman ang isa pang suspek.

Nag-ugat umano ang pambubugbog sa pambabastos daw ni Soria sa isang lamay ng kaanak ni Maño. Nagalit umano si Maño dahil sa pagdura at pagbabanta umano ng biktima.

Pinuntahan ng GMA Regional TV ang lamay ngunit hindi na nagbigay ng pahayag ang pamilya ng suspek. —Alzel Laguardia/KG, GMA News