Patay ang isang senior citizen matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang inuupahang bahay sa Barangay Baesa, Quezon City Martes ng gabi.

Natagpuan ng mga barangay tanod na duguan at wala nang buhay ang biktimang si Daniel Guilao, 63 anyos, na nagtamo ng mga tama ng baril sa ulo, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

“Napag-alaman namin dahil may isang residente na malapit banda doon sa kanila na nakarinig ng apat na putok at tumawag dito,” sabi ng barangay tanod na si Ronald Williams.

ADVERTISEMENT

“Agad naman naming nirespondehan. Pagdating doon, nakita na lang namin yung pangyayari doon na wala nang buhay ang tao,” dagdag niya.

Dalawang basyo ng bala ang natagpuan sa pinangyarihan ng krimen.

Inaalam pa ng pulis ang motibo at kung sino ang nasa likod ng pamamaril.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District, itinuturing na suspek ang dalawang lalaking nakasuot ng helmet sakay ng isang motorsiklo na nakita malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Ayon kay Williams, nahuli ang anak ng biktima sa isang operasyon kontra droga nitong Nobyembre lang. “Ang anak niya nahuli sa buy'-bust operation itong November lang din po.” —Joviland Rita/KG, GMA Integrated News