Dead on the spot ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ng Manila Police District Station 1 ang 23-anyos na biktima na si Adrian Ochangco, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB.
Nangyari ang insidente sa Road 10 sa tapat ng Smokey Mountain.
Ayon sa pulisya, naglalakad si Ochangco sa naturang lugar nang makarinig ang mga residente ng tatlong sunod-sunod na putok ng baril.
Nakita na lamang ang biktima na nakabulagta na sa kalye.
Madilim sa lugar at hindi nakita ng mga residente kung sino ang bumaril sa biktima.
Sa follow-up report, kinilala ni Jhun Ibay, hepe ng MPD Station 1, ang person of interest sa krimen na si alyas Emeng.
Sabi ni Ibay, pinuntahan daw nila si alyas Emeng sa bahay nito pero hindi pa raw umuuwi simula pa ng Sabado ng gabi.
Ayon sa panayam ng Super Radyo dzBB sa isang nagngangalang Marjorie, isa sa mga huling nakasama ng biktima, dakong ala-una nitong Linggo ng madaling araw nang magpasama siya sa biktima upang kuhanin ang mga biniling damit sa isang gusali sa Tondo.
Hindi raw agad dumating ang biktima dahil nakipag-inuman pa ito sa mga kaibigan.
Dakong 2:30 a.m. na sila nagkita at pasado alas-tres na ng umaga nang maghiwalay sila, ayon kay Marjorie.
Pero ayon sa tiyahin ng biktima na si Cecilia Acosta, nakita ng kanilang mga kapitbahay na may dalawa umanong lalaki ang sumundo kay Ochangco bago makipagkita kay Marjorie.
Makalipas ang ilang oras ay natagpuan na lamang ang kaniyang katawan na nakahandusay sa kahabaan ng Road 10 at may tatlong tama ng bala ng baril sa likuran.
Hinala pa ng pamilya ni Ochangco, posible raw na apat silang magkakasama. Ito ay taliwas sa naunang salaysay ni Marjorie na dalawa lamang sila umalis ng biktima.
Patuloy pang sinisikap ng mga awtoridad na makahanap ng CCTV footage at testigo para madakip ang suspek sa krimen. —Mel Matthew Doctor/KG, GMA Integrated News
