Arestado ang isang 22-anyos na lalaki na suspek sa "bomb threat" sa Ponciano Bernardo High School sa Cubao, Quezon City. 

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GTV "State of the Nation" nitong Biyernes, iprisenta ng pulisya ang sinasabing ipinadalang mensahe suspek sa Facebook page ng nasabing paaralan nitong Huwebes.

ADVERTISEMENT

"May tinanim ako na bomba sa elementary; sasama tayong mauubos; isang estudyante ako sa ALS; sama-sama tayo; sasabog nasa may bag," saad sa mensahe.

Sa paggalugad ng explosive ordnance disposal (EOD) at K9 unit ng Quezon City Police District ang eskwelahan, natuklasan nilang false alarm lang ang bomb threat.

Gayunman, naantala ang maghapong klase nitong Huwebes na exam week ng paaralan.

Ayon pulisya, walang naibigay na rason ang suspek kung bakit niya ginawa ang pananakot.

Nais ng pulisya na sampahan ng mas mabigat na reklamo ang suspek bukod pa sa karaniwang Anti-Bomb Joke Law, na may multa lang na P40,000 at parusang limang taong na pagkakakulong.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News