Dahil 'di nagpapakita sa trabaho, sinibak ng Kongreso ng Japan ang kanilang kasamahang mambabatas na isa ring YouTuber.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing si Yoshikazu Higashitani, na kilalang sa kaniyang online moniker na "GaaSyy," ang kauna-unahang mambabatas sa Japan na sinibak ng kanilang Kongreso sa nakalipas na 70 taon.

Una rito, inutusan ng kapulungan si Higashitani, 51-anyos, na humingi ng paumanhin dahil sa hindi pagpasok sa kaniyang trabaho bilang mambabatas.

ADVERTISEMENT

Mula July 2022, hindi pa umano sumisipot si Higashitani sa House of Councillors. Sa halip, nananatili raw ang mambabatas sa bahay nito sa Dubai.

Idinahilan umano nito na baka arestuhin siya kapag umuwi ng Japan dahil sa kinakaharap umanong reklamo na defamation.

Nitong Martes, nagpasya na ang Mataas na Kapulungan ng Japan na sibakin si Hagashitani sa kapulungan. Opisyal naman itong ipinatupad nitong Miyerkules.

Dahil dito, si Hagashitani umano ang unang Japanese lawmaker na nasibak mula noong 1951, batay sa ulat ng local media.

Papalitan naman si Higashitani ng kaniyang kapartido.-- AFP/FRJ, GMA Integrated News