LUCENA CITY, Quezon - Arestado sa isinagawang police drug buy-bust operation ang isang lalaking motorcycle buyer and seller sa Isabang, Lucena City, Quezon matapos umano itong makuhanan ng mga sachet at plastic bags ng hinihinalang shabu.

Nangyari ang insidente dakong 12:24 a.m. nitong Lunes.

ADVERTISEMENT

Isang pulis ang nagpanggap na buyer ng shabu sa suspek na si Andrian Saludez, 34-anyos, na itinuturing ng Philippine National Police na isang high-value target.

Hindi na nakatanggi ang suspek nang makuha rin sa kanya ang ginamit na marked money na nagkakahalagang P59,000.

Nagkakahalaga naman ng P8 milyon ang halaga ng hinihinalang shabu na nakumpiska mula sa suspek.

Hawak na ng mga pulis ang suspek at nahaharap ito sa kasong paglabag sa Sections 5 and 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —KG, GMA Integrated News