Nangamba ang isang mag-asawa matapos nilang mapansin na naging iritable, nagbago ang pangangatawan at nilalanggam ang diaper ng kanilang dalawang-taong-gulang na anak. Nang ipasuri sa doktor, napag-alaman nila na mayroong Type 1 Diabetes ang bata.

Sa isang episode ng programang “Pinoy MD,” ipinakilala ang anak nina Sophia at Sunday na si Harmony, na na-diagnosed na may Type 1 diabetes nito lang Mayo.

Kung ang iba ay pagising na pagsapit ng 6:00 am, sa sitwasyon ni Harmony, sinusubukan pa lang niyang makabalik sa pagtulog. Ginigising kasi siya ng kaniyang mga magulang sa madaling araw para maturukan ng glucometer at insulin.

Paliwanag ng Internal Medicine Endocrinologist na si Dr. Nemencio Nicodemus Jr. ng Manila Doctors Hospital, ang diabetes ay isang uri ng sakit na tumataas ang antas ng asukal sa dugo o blood sugar. Dulot ito ng kakulangan ng insulin o hormone na siyang nagpapababa nito.

Ang  Type 2 diabetes ang karaniwang tumatama sa mga diabetic. At maliit na porsyento lamang umano ang nagkakaroon ng Type 1 diabetes.

Ang autoimmunity na ito, kinakalaban ng anti-bodies ang beta cells o islet cells na lumilikha ng insulin.

Sa kaso ni Harmony, anim hanggang walong beses siyang tinuturukan ng insulin kada araw.

Kung nasa control level ang kaniyang sugar level na 80-150 mg/dl , dalawang unit lamang ng insulin na ibibigay sa kaniya. Ngunit lumabas sa kit ni Harmony na nasa 234 mg/dl ang sugar level niya kaya kailangang itaas ang insulin sa three units mula two units.

Ayon kay Dr. Nicodemus Jr., ang isang tao ay may 70% chance na magkaroon ng diabetes kung ang tatay at nanay niya ay parehong may Type 2 Diabetes, o diabetes na namamana.

Kung pareho namang may Type 1 Diabetes ang kaniyang mga magulang, may 30% siyang magkaroon ng diabetes. Sa kaso ni Harmony, sinabi nina ophia at Sunday na pareho silang may kamag-anak na mayroong diabetes.

Sinabi pa ni Dr. Nicodemus Jr. na hindi tipikal o hindi karaniwan na nakikita na ang sintomas ng Type 1 Diabetes sa isang tao kung dalawang taong gulang pa lang.

Karaniwan daw kasing nagsisimulang makita ang sintomas ng Type 1 Diabetes sa mga bata kapag nasa puberty age.

“Maaaring pagkasilang pa lang nila meron na talagang genetic abnormality, maaaring ‘yung genes na tagagawa ng insulin niya defective na sa simula pa lang. Maaari rin naman na ito ay dulot ng isang uri ng infection na maaaring dumapo sa nanay habang siya ay buntis at itong impeksiyon na ito maaaring nagdulot ng damage roon sa pancreas,” sabi ni Dr. Nicodemus Jr.

Mahalaga umano na matutukan ang sugal level ng mga batang may Type 1 Diabetes lalo't hindi pa nila kayang sabihin ang kanilang nararamdaman sa katawan.

Ayon sa duktor, maaaring magkaroon ng ketoacidosis ang bata na sobrang dami ng asido sa kaniyang dugo na magdudulot ng seizure o kumborsiyon.

Tunghayan ang buong pagtalakay ng "Pinoy MD" sa naturang karamdaman, at alamin kung papaano sinusubaybay ng mag-asawang Sophia at Sunday ang sugar level ng kanilang mahal na anak. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News