Sumuko na ang tatlong suspek sa pagholdap at pagpatay sa isang TNVS driver na hindi pa nakikita ang bangkay. Sumakay ang mga suspek sa sasakyan ng biktima sa isang establisimyento sa Parañaque City noong May 18, at nakarating sa Cavite kung saan hinihinalang pinatay ang driver.
Sa ulat ni Jaime Santos sa GMA News “Saksi” nitong Huwebes, sinabing nakipag-ugnayan ang pamilya ng mga suspek sa kanilang punong barangay at konsehal sa Tondo, at sumuko kay Manila Mayor Isko Moreno, na nakipag-ugnayan naman sa Manila Police District at Northern Police District.
“Humingi sila ng tulong kung paano sila susuko sa alagad ng batas, through some assistance from the Northern Police District and the Manila Police District, nandito sila kanina. Gusto ko rin ipaalam sa inyo na ang pamilya ng mga suspek ay nandito rin. Kinausap ko sila kanina,” ayon kay Moreno.
“Now I’m happy that the case is na-resolba. Nakikiramay kami…sa pamilya ng biktima. In our own little way, kami ay maging tulay man lamang na makapagbigay ng hustisya sa pamilya ng biktima,” dagdag niya.
Ayon kay Moreno, edad 24, 30 at 33 ang mga suspek, at dalawa sa mga ito ang magkapatid, na pawang residente ng Tondo.
Hindi naman sinabi ng mga suspek kung nasaan ang katawan ng biktima.
“Disgrasya lang po talaga ang lahat…Hindi ko na po masasagot…Sa NBI [National Bureau of Investigation] ko na lang po ipapaliwanag ang lahat po,” ayon sa isang suspek.
Sinabi rin ng suspek na tatlo lang silang sangkot sa krimen, bagaman sa naunang ulat, sinabing hindi sumakay sa biktima ang taong mismong nag-booked sa kaniya.
Sinabi ni Moreno na ibibigay ang kustodiya ng mga suspek sa NBI na siyang may hawak ng kaso.
Una nang iniulat na sumakay ang mga suspek sa biktima sa Parañaque noong May 18. Nagpahatid ang mga suspek sa Molino, Cavite pero natuklasan na nagpa-ikot-ikot ito sa Cavite.
Sa dashcam ng sasakyan ng biktimang si Raymond Cabrera, madidinig na hindi na siya ang nagmamaneho. Dinig din ang pag-uusap ng mga suspek sa ginawang pagpatay sa biktima.
Sa nakalap na CCTV footage ng NBI, nakita ang dalawang suspek na bumaba mula sa sasakyan ng biktima sa Valenzuela City.
Nanawagan ang anak ng biktima na tulungan silang makita ang bangkay ng kaniyang ama para mabigyan nila ng maayos na libing kung makukumpirma na pinatay na. — FRJ, GMA Integrated News

