May pondong P113 bilyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa ilalim ng P6.793-trilyon sa panukalang National Expenditure Program for 2026. May pondo rin para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program, ngunit walang inilaan para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Nakasaad sa budget message ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na P11 bilyon ang inilaan para sa TUPAD, at P2.2 bilyon para sa Integrated Livelihood Program ng Department of Labor and Employment.
Ayon sa pangulo, nasa 4,400,000 marginalized household beneficiaries ng P4s ang mabibigyan ng iba’t ibang pinansiyal na tulong sa ilalim ng programa.
Tulong pinansiyal naman para sa manggagawang magigipit dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng kalamidad ang silbi ng TUPAD.
Sinabi naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, hindi kasama sa pinondohan para sa 2026 ang isa pang programa para sa ayuda na AKAP, na tulong pinansiyal para sa mga minimum-wage earner, at iba pang manggagawa na maliit lang ang kita.
Sa ilalim ng kasalukuyang 2025 budget, nilagyan ito ng P26-bilyong pondo.
“Wala po ‘yung AKAP sa budget ng DSWD (Department of Social Welfare and Development),” saad ni Pangandaman sa press briefing matapos ibigay ng DBM sa Kongreso ang panukalang NEP 2026.
“May natitira pa pong pondo from 2025, and like I mentioned a while ago, we received a total of P10 trillion proposal from agencies and given our limited fiscal space hindi muna natin siya sinama,” dagdag pa ni Pangandaman.
Naging kontrobersiyal noong deliberasyon ng 2025 budget ang AKAP dahil wala ito sa NEP na isinumite ng Department of Budget and Management sa Kongreso.
Gayunman, naglaan ng P39 bilyon para sa AKAP ang Kamara de Repsentantes sa inaprubahan nilang bersiyon ng General Appropriations Bill.
Binura naman ang naturang probisyon sa ipinasang bersiyon ng GAB ng Senado.
Nang isalang sa bicameral conference committee ang GAB, nagkasundo ang mga kongresista at senador na lagyan ito ng P26 bilyon sa pinal na bersiyon.
Nang pirmahan ni Marcos ang 2025 national budget, inilagay niya ang AKAP sa ilalim ng “conditional implementation.” – mula sa ulat nina Anna Felicia Bajo/Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News

