Sa kulungan ang bagsak ng isang barangay tanod at kaniyang kaibigan na parehong wanted sa kasong frustrated murder sa Batangas.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing unang dinakip ng mga operatiba ng Galas Police Station ang 54-anyos na barangay tanod sa labas ng barangay hall.
Wanted ang opisyal sa two counts ng kasong frustrated murder.
Makaraan ang ilang oras, nadakip din ang kapwa niya akusado at kaibigang 45-anyos habang kumukuha ng police clearance.
"Nakatanggap po kami ng tip na ang isang BPSO (Barangay Police Security Officer) ay mayroon po siyang warrant of arrest. So matapos nating i-surveillance at i-verify, nakilala po natin siya na siya po talaga 'yung hinahanap ng batas. At 'yung kasama naman ho niya, napag-alaman namin na lumipat na ng ibang lugar pero dito pa rin siya kumuha ng police clearance," sabi ni Police Lieutenant Roldan Dela Cruz, Galas Police Station Duty Officer.
Sinabi ng pulisya na 2005 nang makasuhan ang magkaibigan matapos umanong madawit sa pamamaril sa Batangas, at sugatan noon ang dalawang lalaking biktima.
"Dumayo po sila sa inuman somewhere in San Pascual, Batangas. Matapos po silang makipag-inuman, na-involved po sila sa barilan. So dalawa po 'yung biktima na nadala sa hospital," sabi ni Dela Cruz.
Ikatlo sa Most Wanted Persons List ng Galas Police Station ang barangay tanod habang ikaapat naman ang kaniyang kaibigan.
Ayon sa barangay tanod, hindi niya alam na may arrest warrant laban sa kaniya.
"Hindi po ako ang bumaril. Basta may narinig na lang akong may pumutok. Tapos biglang humarurot na 'yung sinasakyan namin. Pagdating sa may kanto, sumemplang po kami," sabi ng barangay tanod.
Ang kaibigan naman ng tanod, kumukuha umano ng police clearance dahil balak nitong magtrabaho sa ibang bansa.
"Hindi po ako sangkot, wala pa akong binabaril. Damay lang din po siguro ako. Nakasakay po ako sa sasakyan," sabi ng akusado.
Nakapag-return of warrant na ang mga pulis at hinihintay na lang ang commitment order mula sa korte. — Jamil Santos/ VDV GMA Integrated News
