Sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na maraming “inconsistencies” sa mga pahayag ng mag-asawang kontraktista na sina Sarah at Curlee Discaya sa isinagawang pagdinig sa Senado tungkol sa korupsiyon sa mga flood control project ng gobyerno. Babala pa ng alkalde, may kakayahang magsinungaling umano ang mag-asawa.
Sa Facebook post ni Sotto nitong Lunes, sinabi ng alkalde na bagaman may mga mambabatas, opisyal ng Department of Public Works and Highways, at mga kontratista sa sabit sa katiwalian sa isyu ng flood control projects, malinaw umanong umaangulo ang mag-asawang Discaya na maging “state witness.”
“Para ‘di sila makulong. We know they are capable of lying (just go back to their campaign period videos and posts),” anang alkalde.
Sabi pa ni Sotto, “I noticed many inconsistencies in their statement.”
Kabilang sa pinuna ni Sotto ang pahayag sa Senado ni Curlee Discaya na 2-3% lang, at masuwerteng kung umabot ng 5% ang kita nila sa bawat proyekto.
“Taliwas ito sa statement nila sa isang interview, kung saan sinabi nilang bilyonaryo sila at nasa ‘11 digits’ na daw ang pera nila. Meaning AT LEAST ?10 BILLION.. Dahil PAANO KA MAGIGING BILYONARYO NA GANUN SA 2-3% PROFIT?,” tanong ng alkalde.
Paalala ni Sotto sa publiko, “Wag tayong magpauto sa mga paawa effect nila... Wala daw silang magawa? The challenge is now how to sift through the half-truths and attempts to mislead us, not only of the spouses Discaya but of everyone involved. May we be vigilant and discerning.”
Nakalaban at tinalo ni Sotto sa nakaraang mayoralty race sa Pasig ang asawa ni Curlee na si Sarah Discaya.
Sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee nitong Lunes, sinabi ng Discaya couple na bukas silang tumayong state witness para mabunyag ang sistema.
Ilan sa mga mambabatas na pinangalanan ng mga Discaya ay sina:
- Pasig City Representative Roman Romulo
- Uswag Ilonggo Party-list Representative Jojo Ang
- Quezon City Representative Patrick Michael Vargas
- Quezon City Representative Juan Carlos “Arjo” Atayde
- Agap Party-list Representative Nicanor “Nikki” Briones
- Marikina Representative Marcelino “Marcy” Teodoro
- San Jose del Monte, Bulacan Representative Florida Robes
- Romblon Representative Leandro Jesus Madrona
- Representative Benjamin “Benjie” Agarao Jr.
- An-Waray Party-list Representative Florencio Gabriel Bem Noel
- Occidental Mindoro Representative Leody “Ode” Tarriela
- Quezon Representative Reynante “Reynan” Arogancia
- Quezon City Representative Marvin Rillo
- Aklan Representative Teodorico “Teodoro” Haresco
- Zamboanga Sibugay Representative Antonieta Yudela
- Caloocan City Representative Dean Asistio
- Quezon City Representative Marivic Co-Pilar
Kabilang din sa binanggit ang dating undersecretary ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas na si Terrence Calatrava.
Ayon kay Curlee Discaya, may mga tauhan din ng ilang politiko na nakipag-ugnayan sa kanila upang humingi ng porsyento kapalit ng mga proyektong na-award sa kanilang kumpanya.
Samantala, kabilang naman sa mga opisyal ng DPWH na tinukoy ang mga sumusunod:
- Regional Director Virgilio Eduarte (Region V)
- Director Ramon Arriola III (Unified Project Management Offices)
- District Engineer Henry Alcantara (Bulacan 1st District)
- Undersecretary Robert Bernardo
- District Engineer Aristotle Ramos (Metro Manila 1st District)
- District Engineer Edgardo Pingol (Bulacan Sub-DEO)
- District Engineer Michael Rosaria (Quezon 2nd DEO)
Itinanggi naman ng ilang kongresista ang paratang laban sa kanila ng mag-asawang Discaya.—FRJ GMA Integrated News
