Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing naganap ang insidente sa Barangay San Pedro, kung saan mapanonood sa CCTV ang biktimang babaeng rider na sinusundan ng isa pang motorsiklo.
Pagtigil ng babaeng rider sa tapat ng isang bahay, nilagpasan siya ng nakabuntot sa kaniyang motor.
Isang massage therapist pala ang babeng rider na magho-home srvice sana bandang 9 p.m. ng Setyembre 24.
Pagbubuksan na sana ng gate ang babaeng rider, nang bumalik ang motorsiklong bumuntot sa kaniya, bago hinablot ng rider ang kaniyang bag.
Tinangka ng biktima na makipambuno sa rider pero wala na rin siyang nagawa sa huli.
Ayon sa mga awtoridad, 43-anyos ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa braso at tuhod matapos mahila ng snatcher.
Natangay din mula sa babaeng masahista ang mahahalagang ID.
Ayon naman sa kuwento ng anak ng biktima, ang babaeng nagbukas ng gate sa bahay ang batang anak ng kliyente ng massage therapist.
Na-shock din ang bata kaya hindi ito agad nakakilos at nakahingi ng tulong.
Pagkatapos ng insidente, tumulong sa biktima ang pamilya ng kliyente ng masahista.
Nagsagawa ng backtracking ang mga awtoridad sa pamamagitan ng mga kuha ng CCTV sa lugar upang malaman ang mga posibleng dinaanan ng salarin.
Inaalam na rin nila ang pagkakakailanlan nito.
Nakiusap ang mga awtoridad sa publiko na makipag-ugnayan sa kanila ang nakakakilala sa salarin o sinumang may impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon.—Jamil Santos/LDF GMA Integrated News
