Umabot na sa 72 ang bilang ng mga nasawi matapos ang mapaminsalang lindol na yumanig sa Cebu, ayon sa pinakahuling datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes ng umaga.
Ayon sa NDRRMC, nasa validation pa ang bilang ng mga nasawi.
"Nadagdagan po ng tatlo overnight, from 69, 72 na po ang namatay and more than 200 po ang injured," sabi ni Office of Civil Defense (OCD) Region 7 Director Joel Erestain sa isang panayam sa Unang Balita.
Batay pa sa datos ng NDRRMC, 294 katao ang naiulat na nasugatan matapos ang lindol sa Cebu.
Nang tanungin kung maaari pang tumaas ang bilang ng mga nasawi, sinabi ni Erestain na umaasa silang hindi na ito mangyayari.
"Mukhang hindi na po aakyat ‘yun, sana po huwag na umakyat... Hindi na po mag-skyrocket," dagdag niya.
Samantala, wala namang naiulat na nawawalang tao batay pa rin sa datos ng NDRRMC.
"Wala po tayong report na nawawala, pero sinusubukan pa rin pong maghukay ng mga debris," dagdag ni Erestain.
Tumama sa Bogo City, Cebu nitong Martes ang magnitude 6.9 na lindol, na nakaapekto sa 47,221 pamilya o 170,959 na indibidwal, samantalang 20,000 katao ang nawalan ng tirahan.
Patuloy pa ring nararamdaman ang aftershocks sa lalawigan.
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na mula magnitude 1.0 hanggang 5.0 ang mga aftershock at 14 lamang ang naramdaman.
"Ang pinakamataas ay magnitude 5 (aftershock) na nangyari kagabi 10:46 p.m.," sabi ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol sa panayam sa Unang Balita.
"We expect the aftershocks to last several days, even several weeks. So, ‘yun naman po talaga ‘yung measure ng aftershocks natin. Pero habang tumatagal naman, magde-decrease ‘yung number ng aftershocks at magde-decline din ‘yung strength ng aftershocks," dagdag ni Bacolcol.
Nagbabala ang OCD sa publiko na iwasang bumalik sa kanilang mga bahay hangga’t hindi idinedeklara ng mga awtoridad na ligtas itong gawin.
"Puwede naman po silang bumalik, but people should be cautious of the structures na visibly weakened at may signs of damage," dagdag ni Bacolcol.
"For example may nakita silang cracks, bago sila bumalik dun, they should consult their municipal or city engineers and seek further advise. Kasi po kung hindi ito totally bumagsak during the main shock, baka babagsak ito during a strong aftershock," paliwanag pa niya.
Sinabi ng PHIVOLCS na ang magnitude 6.9 na lindol na tumama sa Bogo City ang pinakamalakas na lindol na naitala sa hilagang Cebu.
Dulot ng isang offshore fault na may lalim na 5 kilometro, Intensity VII ang pinakamalakas na intensity na ginawa ng lindol, na naramdaman sa Bogo City, Daanbantayan, Medellin, San Remigio, at Tabuelan sa Cebu. —VBL GMA Integrated News
