Nasawi ang isang 54-anyos na negosyante matapos siyang barilin ng lalaking nakasagutan umano niya sa Barangay 23, Bacolod City.

Sa ulat ni Adrian Prietos ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing tumambad sa mga residente ang bangkay ng biktima matapos nilang makarinig ng magkakasunod na putok ng baril.

“Hindi namin nakita sa kung sino ang bumaril. Kilala namin si kuya Nick, mabait siyang tao,” sabi ni Mark, isang nakarinig ng putok ng baril.

Agad namang dinala sa ospital ang biktimang si Mick Jagger Taasan, na idineklarang dead on arrival.

“Wala siyang record, mabait siyang tao, wala rin siyang record sa barangay. Around 8, may nakakita sa kaniyang may kinakausap na tao. Nang pauwi na, papunta na sana siya sa kaniyang sasakyan, binaril na siya,” sabi ng punong barangay ng Barangay 23 na si Johnny Esmil.

Narekober ng SOCO sa crime scene ang limang basyo ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng pulisya sa motibo sa pamamaril.

Tinitingnang person of interest sa krimen ang lalaking nakasagutan ng biktima at sumakay umano sa pribadong sasakyan nang tumakas.

“Mayroon na tayong suspek, kasosyo niya or may business transaction. Ang suspek, hindi pa nakilala ang pangalan pero mayroon na picture na nakita,” sabi ni Police Colonel Joeresty Coronica, director ng Bacolod City Police Office.

Tinututukan pa ng awtoridad ang pahayag ng ilang saksi sa krimen.

“May heated argument kaya binaril ng suspek ang victim. Nakasakay siya sa sasakyan. Considering na gabi, at brownout that time, hindi tayo sure kung iyon ba talaga ang getaway vehicle niya,” sabi ni Coronica. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News